BAGUIO CITY – Mas lalo pang bumaba ang temperatura sa Baguio City at ilang lalawigan ng Cordillera ngayong umaga.
Ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration)-Baguio weather forecaster na si Efren Dalipog, kaninang alas-6:30 ng umaga ay naitala ang 9.4 degrees Celsius (°C) na pinakamababang temperatura sa Baguio City.
Mas mababa aniya ito sa 9.6 °C na unang temperatura sa Baguio City kanina lamang alas-6:00 ng umaga, at 10.0 °C ganap na alas-5:30 ng madaling araw.
Sinabi niya na resulta pa rin ito ng hanging amihan na nanggagaling sa Siberia na nagsimula pa noong nakaraang buwan at inaasahang magtatagal hanggang ngayong Pebrero.
Gayunman, 2-3 °C na mas mababa ang naitatalang temperatura sa ilang lugar sa mga bayan ng Benguet, Ifugao at Mountain Province, dahil sa mas mataas na lokasyon ng mga ito.
Nagdudulot din ang mababang temperatura sa frost o andap sa mga pananim sa matataas na bayan ng Benguet partikular sa Paoay, Atok at Madaymen, Kibungan.
Sa tala naman ng PAGASA, nai-record ang pinakamababang temperatura sa Baguio City noong January 18, 1961 na umabot sa 6.3 °C.