Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng sampung driver ng taxi at TNVS na nahuling nangongontrata at naniningil ng sobra sa mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.
Ayon sa LTO, ang mga driver ay nahuli sa isang sorpresang operasyon noong Hunyo 25 at nabigyan na ng show cause orders (SCOs) at abisong sinuspinde ang kanilang lisensya ng 90-araw.
Dagdag pa ng ahensya, ang mga nahuling driver ay posibleng maharap sa kasong “being an improper person to operate a motor vehicle”, na maaaring humantong sa tuluyang pagbawi ng kanilang lisensya.
Inatasan namn ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza ang pag-deploy ng mga LTO enforcer sa tatlong terminal ng NAIA matapos ang ilang viral na kaso ng overcharging. Kabilang dito ang P1,300 na singil mula Terminal 2 papuntang Terminal 3, mahigit P5,000 mula Terminal 1 hanggang Terminal 2, at isang motorcycle taxi na siningil ang pasahero ng P2,000 mula NAIA papuntang Cainta, Rizal
Binigyang-diin ni Mendoza na ang ganitong gawain ay nakakasira sa imahe ng bansa, lalo na sa paningin ng mga dayuhang turista.