Tiniyak ng Department of Justice na kanilang hindi isasantabi ang ibibigay na tulong at asiste ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno hinggil sa isyu ng mga nawawalang sabungero.
Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang paghahanap sa labi ng mga nawawalang sabungero ay aniya’y pagtulong-tulungan ng gobyerno upang matukoy ang katotohanan.
Kasunod ito sa paghayag ng kanilang mga kahandaan lalo na ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard at maging ng Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Kaya’t dahil dito ay sineguro ng naturang kalihim na kanya pa ring tatanggapin ang pagtulong ng mga naturang ahensya para lamang mahanap ang labi ng mga nawawalang sabungero.
Ito’y kahit pa na kanya na ring nabanggit ang paghingi ng tulong sa bansang Japan para isagawa ang diving operation sa bahagi ng Taal Lake.
Dagdag pa ni Justice Secretary Remulla na kanila pang iniisa-isa ang mga partikular na kagamitan ang posibleng mahiram sa Japan para sa isasagawang diving operation.
Maalala na inilantad ng isang testigo na kinilalang si alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan na inilibing umano sa Taal Lake ang mga nawawalang sabungero.
Kaya’t bunsod nito’y inihayag ng Department of Justice na kanilang ibeberipika ang impormasyong ito upang tuluyan ng mahanap kahit mga labi na lamang ng mga biktima.
Maisa pang ulit niyang sinabi na hindi umano ordinaryong diving operation ang gagawin kundi ‘lake bed mapping’ raw ang nais nitong maisakatuparan.
Sa kasalukuyan ay wala pang reply ang bansang Japan hinggil sa naturang sulat habang nagpapatuloy naman ang pag-iimbestiga at case buildup sa panig ng Department of Justice hinggil sa kaso ng ‘missing sabungeros’.