Ipinahayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Huwebes, Agosto 28, na malapit nang makamit ng bansa ang ganap na pagsunod sa mga itinakdang solid waste management (SWM) plans, ayon sa datos mula sa Environmental Management Bureau (EMB).
Mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2025, 328 LGUs ang nabigyan ng bagong 10-year SWM plans, habang 41 LGUs naman ang nakapag-renew ng kanila.
Sa kabuuan, 1,416 sa 1,592 LGUs o 89% ng bansa ay sumusunod na sa batas.
Ayon kay Environment Secretary Raphael Lotilla, mahalaga ang mga planong ito upang mapabuti ang koleksyon ng basura, mabawasan ang pagdepende sa mga landfill, at maiwasan ang polusyon gaya ng marine litter.
Layon ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na ang mga LGU ay magpatupad ng sistemang para sa segregation, reuse, recycling, at composting, at magtatag ng mga materials recovery facilities (MRFs) at sanitary landfills (SLFs).
Ayon sa DENR-EMB, tumaas ang bilang ng MRFs mula 11,779 noong 2022 sa 12,864 ngayong 2025, habang umangat din ang barangays na nasasakupan mula 17,636 tungong 19,464.
Ang SLFs naman ay tumaas sa 343, na ngayo’y nagsisilbi sa 748 LGUs.