Kasabay ng pagdiriwang ng Philippine Arbor Day, muling nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga Pilipino na aktibong makibahagi sa pangangalaga ng kalikasan, lalo na sa pagtatanim ng puno at reforestation.
Ayon kay Environment Secretary Raphael Lotilla, ang Arbor Day ay hindi lamang simbolikong selebrasyon kundi isang panata para sa mas matibay at mas magandang kinabukasan.
Alinsunod sa Republic Act 10176 o Arbor Day Act of 2012, hinihikayat ang lahat ng sektor ng lipunan na makilahok sa tree planting at forest conservation efforts.
Kung kaya’t ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at mga paaralan ang nagtanim ng punla sa mga parke, watershed, at reforestation sites sa buong bansa.
Dagdag ni Lotilla, kahit nagpapatuloy ang Enhanced National Greening Program, hindi magiging matagumpay ang mga hakbang ng DENR kung wala ang tulong ng bawat isa—mula sa mga lokal na pamahalaan, civil society, katutubo, at bawat mamamayang handang magtanim, mag-alaga, at magpanatili ng kalikasan.