-- Advertisements --

Pinamamadali na ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Raphael Lotilla ang pagbuo ng National Flood Master Plan.

Ang master plan ang nakikitang mabisang tugon para sa taunang mga pagbaha na nararanasan sa halos lahat ng bahagi ng bansa.

Ayon kay Sec. Lotilla, natapos na ang draft ng plano noong Agosto 2025 kung saan nakapaloob ang mga istratehiya ng iba’t ibang ahensya para sa mas epektibong flood management.

Target ng ahensiya na maisama ng mga local government unit (LGU) ang geohazard maps sa kanilang mga plano.

Ito ay upang maiwasan ang pagtatayo ng mga proyekto sa mga natukoy na critical areas, flood-prone, at landslide-prone areas na tiyak na magdulot lamang ng panganib sa mga residente.

Mahalaga aniya ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan dahil sila ang may saklaw sa land use planning at zoning operations sa mga barangay o komunidad.

Ayon pa kay Sec. Lotilla, kailangan ng iisang direksyon para labanan ang mga pagbaha sa buong bansa, kaya’t mahalagang mayroong master plan para sa flood control at water management.

Ilan sa mga ahensiyang pangunahing nagtutulungan para rito ay ang DENR, Department of Public Works and Highways, National Irrigation Administration, atbpa.