Pormal na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Raphael Lotilla bilang bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kapalit ni Maria Antonia Yulo-Loyzaga.
Malugod na tinanggap ng Chamber of Mines of the Philippines (COMP) ang kanyang pagtatalaga at umaasang ipagpapatuloy nito ang mga reporma sa sektor ng pagmimina, partikular sa pagpapadali ng permitting process at mga polisiya na pabor sa pamumuhunan.
Gayunman, ilang environmental at civil society groups gaya ng Alyansa Tigil Mina (ATM) at Greenpeace Southeast Asia ang nagpahayag ng pangamba, una na kasing ipinahayag dati ni Lotilla ang suporta nito sa coal projects habang nasa Department of Energy (DOE).
Nanawagan ang mga grupo ng mas mahigpit na regulasyon, makatarungang buwis sa pagmimina, at pagkansela ng mga proyekto gaya ng reclamation, seabed quarrying, at floating solar sa Laguna de Bay.
Hinimok din si Lotilla na suportahan ang Climate Accountability Bill at talikuran ang pro-fossil fuel na polisiya ng administrasyon.
Nagpahayag ang iba’t ibang sektor ng kahandaan sa dayalogo ngunit binigyang diin ang panawagan para sa isang makatao, makakalikasan, at makatarungang pamamalakad sa bagong liderato ng DENR.