-- Advertisements --

Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang 83 dayuhang nationals sa isang intelligence-led raid sa isang shopping mall sa Baclaran, Pasay City noong Miyerkules dahil sa umano’y paglabag sa immigration at labor laws kaugnay ng illegal retail activities.

Ayon sa BI, sinundan ng ilang linggo ng surveillance ang operasyon matapos makatanggap ng ulat na ang mga dayuhan ay nagpapatakbo ng retail businesses sa loob ng mall.

Ang operasyon ay isinagawa sa bisa ng mission order ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.

Kabilang sa mga naaresto ang 68 Bangladeshi nationals, 14 Chinese nationals, at 1 Indian national.

Sa kabuuan, 81 lalaki at 2 babae ang naaresto. Ilan sa kanila ay may valid visas ngunit umano’y sangkot sa retail trade, na limitado sa ilalim ng batas ng Pilipinas. 18 ang may hawak lamang na tourist visas, habang 6 ay sumasailalim pa sa identity verification.

Posibleng maharap ang mga nahuling foreign nationals sa immigration violations, kabilang ang undocumented stay, misrepresentation, at paglabag sa Republic Act No. 8762 (Retail Trade Liberalization Act), na nagbabawal sa mga dayuhan na mag-retail trade nang walang tamang awtoridad.