LAOAG CITY – Pitong granada at isang corroded revolver ng hindi pa matukoy na baril na pawang nakasilid sa sako ang narekober malapit sa isang tulay sa Barangay Laoa, Paoay, Ilocos Norte.

Ito ang kinumpirma ni Police Captain Eddie Suyat, chief of police ng PNP-Paoay.

Ayon kay Suyat, kukunin sana ni Froilan Bagasol ang ipinastol nitong kambing sa Laoa Bridge sa nasabing barangay at kanyang napansin ang sako na naglalaman ng mga granada.

Agad aniya itong ipinaalam kay Brgy. Chairman Evelyn Galano at inireport naman sa PNP sa nasabing bayan dahilan para agad pumunta sa lugar.

Inihayag ni Suyat na maaaring matagal nang iniwan ang mga granada dahil natabunan na ng lupa ang sako.

Naniniwala si Suyat na dahil sa maigting na kampanya laban sa mga armas ang nakikita nilang dahilan kung bakit iniwan ang mga bomba sa tulay.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Explosive Ordnance Division (EOD) ng Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) ang mga granada.