Kinumpirma ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na aabot sa higit 200 katao ang umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Aniya’y ganito na karami ang kanilang mga tinutukan kaugnay sa malawakang isyu ng korapsyon at pagkamal sa pondo ng bayan mula sa mga ‘infrastructure projects’.
Ibinahagi ng kalihim na sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang pag-iimbestiga sa isinasagawang ‘case buildup’ laban sa mapapatunayang mga sangkot.
Sakaling makakalap ng sapat na mga ebidensya na kayang tumayo para sa kaso, maaring isampa ang reklamong graft, malversation of public funds at indirect bribery.
Dagdag pa ni Justice Secretary Remulla, ang bilang na 200 sangkot sa flood control projects anomaly ay posibleng mas marami o madagdagan pa.
Kung kaya’t masusing pinag-aaralan ng kagawaran ang akma o tamang mga kasong isasampa laban sa mga opisyal at indibidwal na sangkot sa kontrobersiya.
Ayon pa kay Sec. Remulla, ang kakaiba aniya sa mga sangkot na opisyal sa flood control projects anomaly ay ang tinatawag na mga ‘cong-tractors’.
Pinagsamang ‘congressman’ at ‘contractor’ na siyang nasa likod ng umano’y korapsyon sa mga proyekto ng pamahalaan.
Ito aniya’y maaring mga contractor na kalauna’y naging kongresista na siyang kanyang binigyang diin na labag sa saligang batas.
Bukod sa hindi ito naayon sa batas, giit pa niya’y maituturing ito bilang ‘conflict of interest’ dahil sa linya ng kanilang posisyon o trabaho nilang pampublikong opisyal.
Bunsod nito’y ibinahagi ni Justice Secretary Remulla na nasa 67 indibidwal ay mga ‘congtractors’ ang natukoy at iniimbestigahan.
Mula aniya ito higit 200 katao tinutukan na binubuo ng mga district engineers, contractors, mga kongresista o ang tinatawag niyang ‘congtractors’.