Mahigit 65,000 police personnel ang ipapakalat ng Philippine National Police (PNP) ngayong Semana Santa para magbigay seguridad sa mga kababayan natin na magsisi-uwian sa ibat ibang probinsiya.
Ayon kay PNP Directorate for Police Community Relations Director, PMGen. Roderick Augustus Alba ang nasabing bilang ng mga police personnel ay di-deploy sa mga terminal, transport hubs, pilgrimage sites, simbahan at mga tourist destinations sa bansa upang matiyak ang seguridad ng ating mga kababayan at maging ng mga turista.
Sinabi ni Alba committed ang PNP na bigyan ng seguridad ang publiko upang maging ligtas, mapayapa at makabuluhan ang pagdiriwang ng Semana Santa.
Bukod sa mga pulis may mga forced multipliers din ang tutulong sa mga kapulisan sa ibat ibang areas of convergence.
Binigyang-diin ng Heneral na palalakasin ng PNP ang kanilang presensiya ngayong Holy Week.
Bukod sa mga areas convergence siniguro din ng PNP na may mga pulis na magpapatrulya sa mga komunidad ng sa gayon maiwasan ang mga insidente ng pagnanakaw na kalimitan nangyayari kapag walang mga tao sa kabahayan.
Inihayag ni PMGen. Alba na wala silang natatanggap na banta sa seguridad ngayong Holy Week, gayunpaman nasa full alert status ang pambansang pulisya.
Mahigpit din na nakikipag-ugnayan ang PNP Intelligence units sa Armed Forces of the Philippines maging sa Philippince Coast Guard upang mapigilan ang anumang banta sa seguridad.
Siniguro ng PNP na hinigpitan nila ang pagbabantay sa mga vital installations ng bansa.