Hindi tumitigil ang Philippine National Police (PNP) sa pag monitor sa mga election related violent incidents (ERVIs) kahit tapos na ang midterm elections.

Ito’y dahil hanggang June 12 pa ang election period at siya ring huling araw sa pagpapatupad ng gunban.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Bernard Banac mula January 13 hanggang June 6 umabot na sa 60 ang validated election related incidents.

Nasa 51 aniya sa mga insidente ay nangyari bago ang araw ng eleksyon o Pre election, walo sa mismong araw ng halalan at isa pagkatapos ng araw ng halalan.

Ipinagmamalaki naman ni Banac na 55 porsyento ang ibinaba ng validated election related incidents kumpara nuong 2016 National election na nakapagtala ang PNP ng 133 election related incidents.

Sa 60 validated election related incidents, 113 ang biktima, 23 ay namatay, 46 ay sugatan at 44 ay hindi nasaktan.