Inaprubahan na ng House Rules Committee ang anim na oras na floor debate na gaganapin para sa resolusyon ng impeachment laban kay US President Donald Trump.
Hahatiin ang nasabing anim na oras na debate para sa Democrats at Republicans na pamumunuan ng House Judiciary Committee leaders. Magkakaroon din ng isang oras ng debate ang Kongreso bago ituloy ang procedural vote.
Nakatakdang pagbotohan sa Kongreso ang dalawang articles of impeachment. Ito ay ang abuse of power at obstruction of Congress.
Pinapayagan din ng House Rules Committee na aprubahan ng Kongreso ang resolusyon na magsisiwalat sa pangalan ng impeachment managers matapos maipasa ang articles of impeachment.
Samantala, hindi pa raw nababasa ng buo ni House Speaker Nancy Pelosi ang ipinadalang sulat sa kaniya ng American president.
Ngunit aniya, ang ginawang ito ni Trump ay isang hakbang umano upang subukan na pagtakpan ang ginawa nitong katiwalian.