Nasa 57,000 na mga sako ng imported refined sugar ang nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang warehouse sa Quezon City.
Ito ay matapos ang kanilang isinagawang pag-iinspeksyon sa nasabing mga warehouse bilang bahagi ng kanilang patuloy na pagsisikap na matiyak na walang indibidwal o mangangalakal ang nagho-hoard o nagpupuslit ng asukal sa gitna ng naiulat na kakulangan sa suplay ng asukal.
Sa isang statement ay isiniwalat ng BOC na sa pagsisiyasat na ito ng mga otoridad ay nakatuklas sila ng saku-sakong mga imported na refined sugar mula sa bansang Thailand na tinatayang may katumbas na halagang Php 285 million.
Sa ulat ng kagawaran, ang kada isang sako ng nasabing imported na asukal ay naglalaman ng 50 kilo na tinatayang aabot sa Php 5,000 ang halaga.
Ngunit paglilinaw ng ahensya ay na-validate naman daw ng kanilang inspection team kabilang na ang Enforcement and Security Service-Quick Response Team ng Manila International Container Port (MICP) ang mga clearance ng nasabing warehouse mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) hinggil sa mga produktong ito.
Kasalukuyan na rin nagsasagawa ng regular na imbentaryo at inspeksyon ang mga BOC examiners sa mga papasok pang mga produkto sa ating bansa.
Samantala, matatandaan na una nang napaulat na nakakaapekto na sa produksyon ng mga soft drinks sa bansa ang nararanasang kakulangan ngayon sa suplay ng asukal sa Pilipinas.
Dahilan kung bakit ipinagpapatuloy pa hanggang ngayon ng mga kinauukulan ang ginagawang pag-iinspeksyon sa mga bodega ng asukal alinsunod na rin sa kampanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagpapaigting pa sa ginagawang hakbang ng pamahalaan laban sa iligal na pag-aangkat ng mga produktong agrikultura.