Bumilis pa ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa 5.5% sa ikalawang kwarter ng 2025.
Sa isang pulong balitaan ngayong Huwebes, Agosto 7, iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) USec. at National Statistician Dennis Mapa na ang gross domestic product (GDP) o ang halaga ng goods at mga serbisyong na-produce sa isang period ay bahagyang lumago ng 5.5% noong Abril hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon.
Mas mataas ito kumpara sa 5.4% na paglago sa ekonomiya na naitala mula Enero hanggang Marso 2025.
Ang GDP naman noong ikalawang kwarter ay ang pinakamabilis na paglagong naitala sa nakalipas na apat na kwarter, bagamat mas mabagal ito kung ikukumpara sa 6.5% na naitala sa ikalawang kwarter ng 2024.
Ipinaliwanag ng PSA chief na ang pangunahing mga sektor na nakapag-ambag sa paglago ng ekonomiya noong second quarter ay ang agrikultura, forestry at pangisdaan na nakapagtala ng 7.0% growth rate gayundin ang industriya na nakapagtala ng 2.1% at ang mga serbisyo na may 6.9%.
Samantala, ibinida ni Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan na nananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng nagpapatuloy na pandaigdigang mga hamon at paggalaw ng presyuhan sa mga produktong langis at iba pang uncertainty.
Saad din ng kalihim na ang takbo ng ekonomiya noong ikalawang kwarter ay nagpanatili sa Pilipinas bilang isa sa pinakamabilis na growing economies sa Asya kasunod ng Vietnam (8.0%) subalit naungusan ang China na nakapagtala ng 5.2% at Indonesia na may 5.1% economic growth.
Ipinaliwanag din ng kalihim na pangunahing nakapag-ambag sa magandang takbo ng ekonomiya noong ikalawang kwarter ay ang pagsigla ng sektor ng agrikultura ng bansa sa 7% growth rate mula sa 2.2% noong unang kwarter ng 2025. Ito ay bunsod ng paglago ng mga naaning palay.
Nakatulong din ang pagbagal ng inflation sa pagsuporta sa household consumption na tumaas ng 5.5% year-on-year sa ikalawang kwarter, ang pinakamabilis na paglago mula noong unang kwarter ng 2023.