-- Advertisements --

Inaasahang makakabawi ang ekonomiya ng bansa pagsapit ng 2026.

Kasunod ito ng pulong sa pagitan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona kanina sa Palasyo ng Malakanyan kung saan tinalakay ang desisyon sa monetary policy nitong nakaraang Oktubre at ang kasalukuyang economic outlook.

Ayon sa BSP, bumaba ang inflation sa 1.7 porsiyento, habang ang inflation para sa bottom 30 porsiyento ng mga kabahayan ay nasa –0.4 porsiyento. 

Dahil dito, ibinaba ng Monetary Board ang policy rate sa 4.75 porsiyento upang suportahan ang mas abot-kayang pangungutang para sa mga pamilya at negosyo.

Ipinaliwanag ni Remolona na ibinaba nila ang policy rate upang pasiglahin ang mas mataas na demand.

Patuloy naman ang magandang inflation outlook, kaya kampante ang Pilipinas sa pagrepaso at pagbabawas ng policy rate. Para sa 2026, ang inflation forecast ay nasa humigit-kumulang 3.1 porsiyento na pasok sa target, habang sa 2027 inaasahang nasa 2.8 porsiyento ang inflation outlook.

Sinabi ng BSP na nakikita ang pagbangon sa 2026 at ang pagbabalik sa target range ng pamahalaan pagsapit ng 2027.

Muling tiniyak ni  Pangulong Marcos ang kanyang pangako na pangalagaan ang katatagan ng ekonomiya at lumikha ng mga kondisyon para sa mas matatag at mas malawak na paglago para sa lahat ng Pilipino.