Nakaranas ang 51 milyong Pilipino ng katamtaman o matinding food insecurity mula 2021 hanggang 2023 ayon sa pag-aaral mula sa United Nations.
Itinuturing na pinakamalala ang sitwasyon sa PH sa Southeast Asia.
Ayon sa UN, ang isang indibidwal ay ikinokonsiderang food insecure kapag ito ay walang regular na access sa malinis at masustansiyang pagkain para sa normal na paglaki, pag-unlad at para magkaroon ng aktibo at malusog na pamumuhay.
Base sa pinakabagong report ng UN sa State of Food Security and Nutrition in the World, ang PH ang may pinakamataas na bilang ng mga indibidwal na nakaranas ng katamtaman o matinding food insecure sa rehiyon na binubuo ng halos kalahati ng 115.8 milyong indibidwal na nahaharap sa naturang suliranin sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Pumangalawa naman ang Myanmar sa rehiyon na may mataas na bilang ng indibdiwal na food insecure na nasa 17.4 million, sinundan ng Indonesia at Vietnam.
Pangatlo naman sa buong rehiyon ang PH pagdating sa rate ng moderate o severe food insecurity sa kabuuang populasyon na nasa 44.1%, sinundan nito ang Timor-Leste na nasa 53.7% at Cambodia na nasa 50.5%.
Samantala, sa parehong period, nasa 6.9 milyong Pilipino o 5.9% ng kabuuang populasyon ang kulang sa nutrisyon.