Pumalo na umano sa 51 ang bilang ng mga sugatan, bukod pa sa nasirang mga kabahayan, simbahan at iba pang mga gusali sa nangyaring malakas na lindol sa Surigao del Sur.
Dakong alas-4:42 ng umaga nitong Sabado nang yumanig ang magnitude 5.8 na lindol sa bahagi ng bayan ng Carrascal sa lalawigan na may lalim na 5 kms, ayon sa Phivolcs.
Matapos nito ay nakapagtala rin ang ahensya ng pitong mahihinang mga aftershocks.
Ayon kay P/Lt. Wilson Uanite, hepe ng Madrid Police Station, nagtago raw sa ilalim ng mga mesa ang mga opisyal sa istasyon at sa lakas ng lindol ay nadurog din daw ang salamin ng cabinet at nabasag ang telebisyon nang mahulog ito sa sahig.
Inilikas din pansamantala ang mga pasyente ng Madrid District Hospital na nagtamo ng biyak sa kongkreto nitong mga pader.
Maliban dito, bumigay din ang bubong ng isang car park sa naturang bayan, dahilan para masira nang bahagya ang dalawang fire turcks ng bayan at tatlong kotse.
Sinabi naman ng Office of Civil Defense-Caraga, naramdaman din ang lindol sa apat na kalapit na mga bayan kung saan kabilang sa mga nasira ang dalawang simbahan, tulay, gym, at public market.