Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang pagbibigay din ng 50% discount sa mga senior citizen kapag sumakay sila sa MRT at LRT.
Ito’y kasunod ng paglulunsad ngayong araw ng Department of Transportation ang 50% na discount sa pasahe para sa mga estudyanteng sasakay ng tren.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, inaaaral na ng gobyerno sa pangunguna ng Department of Transportation ang nasabing mungkahi lalo at nais din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na matamasa ito ng mga senior citizen.
Sinabi ni Castro, sa ngayon kasi hindi kakayanin kung pagsabayin ang pagbibigay ng diskwento sa mga estudyante at mga senior citizen.
Sa kasalukuyan kasi nasa 20% ang diskwento sa pasahe ng mga senior citizen.
Pina-alalahanan din ng DOTr ang mga estudyante na valid lamang ang discount sa single journey tickets at hindi sa Beep cards o stored-value tickets.
Giit ni Castro, makakaasa ang taumbayan na tuluy-tuloy ang discount para sa mga mag-aaral mula Lunes hanggang Linggo o kahit mapa-holiday pa.
Ang nasabing programa ay magtatagal ito hanggang 2028.
Sa podcast interview inihayag ni Pangulong Marcos sinabi nito na nakapagsilbi na ang mga senior citizen sa bansa at nagtrabaho sila ng buong buhay nila kaya dapat lamang na bigyan sila ng gobyerno ng kaunting benepisyo.
Karamihan din aniya sa mga senior citizen ay kakaunti na lamang ang hawak na pera kaya pag-aaralan ng pamahalaan ang malaking diskuwento para sa kanila.
Mensahe ng Pangulo sa mga estudyante mag-aral ng mabuti.