BAGUIO CITY – Isinasailalim na sa imbestigasyon ang isang 1st Class Cadet at apat na 2nd Class Cadets na responsable sa hazing o pagpapahirap sa apat na plebo sa magkahiwalay na pagmamaltrato na nakuhanan ng videos sa loob ng Philippine Military Academy (PMA).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PMA public information officer Captain Cherryl Tindog, sinabi niya na ang pang-anim na kadeteng suspek ay naalis na sa akademya noong nakaraang taon dahil sa paglabag nito sa Honor Code.
Kinumpirma rin niya ang dalawang video na nangyari noon pang 2017 kung saan makikita ang pagpapahirap na ginawa sa apat na kadete na sa ngayon ay mga 3rd class cadets na.
Aniya, matapos nilang mapanood ang video noong gabi ng Lunes ay agad nilang pinull-out mula sa klase ng mga ito ang mga kadeteng suspek at dinala sa holding area ng akademya.
Gagamitin din nila ang mga videos sa kanilang pagsisiyasat lalo na at hindi nagsisinungaling ang mga video.
Umaasa si Capt. Tindog na sa pinakamadaling panahon ay may maipataw na sanctions sa mga responsableng kadete at maalis na ang mga ito sa PMA.
Inihayag pa niya na nakakabuti sa PMA na nakita nila ang mga video dahil gagamitin nila ang mga ito sa paggiit sa mga kadete na hindi makakatakas ang mga ito kung lalabagin nila ang mga panuntunan ng akademya.
Aniya, iginigiit nila sa mga kadete ang kahalagahan ng pagiging responsable at accountable ng mga ito sa kanilang mga aksyon.
Dinagdag niya na kahit may mga panuntunan ang PMA kung pipiliin ng mga kadete na labagin ang mga ito ay kailangang harapin nila ang resulta ng kanilang aksyon.