-- Advertisements --

NAGA CITY – Nag-iwan ng limang kataong sugatan matapos araruhin ng truck ang tatlong sasakyan sa Quirino Highway, Barangay San Diego, Tagkawayan, Quezon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Maj. Marcelito Platino, hepe ng Tagkawayan Municipal Police Station, sinabi nito na nawalan ng kontol ang truck driver na nagngangalang Danny Boy Guzman kaya sumalpok sa dalawang kasalubong na motorsiklo at isang refrigerated closed van.

Ayon kay Platino, patungo sa Bicol ang trailer truck habang tinatahak naman ng mga inararong sasakyan ang direksyon pa-Maynila.

Dahil dito, nagkalat sa daan ang kargang mga serbesa ng truck.

Nagtamo naman ng mga sugat ang driver ng dalawang motorsiklo na sina Antonio Janela Jr., at Ernie William Sambelon at live-in partner nito na si Rizel Maumay; driver ng truck at ang helper nito na si Ferdinand Jamlid, gayundin ang driver ng closed van na si Andy Lispoton.

Kaagad namang naitakbo sa ospital ang mga biktima para malapatan ng lunas habang rumesponde na rin ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection.

Sa ngayon ay naitabi na ang mga nagkalat na serbesa at nakapaglagay na rin ng “early warning device” sa lugar.

Dagdag pa ni Platino, kilalang accident prone area ang lugar dahil sa pakurbang bahagi ng kalsada.

Samantala, kasong reckless imprudence resulting to multiple injuries and damage to property ang isasampa laban sa truck driver.