Patay ang limang hinihinalang miyembro ng robbery-holdup gang makaraang maka-engkuwentro ang mga pulis sa bahagi ng Macapagal Avenue, Parañaque City nitong Lunes ng gabi.

Batay sa ulat ng Parañaque City PNP, naganap ang sagupaan sa Barangay Tambo malapit sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) bandang alas-9:15 ng gabi.

Inaalam pa sa ngayon ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek.

Nakatakas naman ang isang suspek na kinilalang si alyas Layco, na nagsilbi ring driver ng get-away vehicle ng mga salarin.

Narekober sa crime scene ang limang baril, isang Toyota Vios at ilang personal na mga gamit.

Patuloy namang tinutugis ng mga otoridad ang nakatakas na si Layco.