MANILA – Limang matataas na opisyal ng Department of Health (DOH) ang sinuspinde ng Ombudsman dahil umano sa delayed na pagre-release ng kagawaran sa benepisyo ng mga healthcare workers ngayong COVID-19 pandemic.
Batay sa utos ni Ombudsman Samuel Martires, anim na buwang suspendido sa trabaho sina Usec. Roger Tong-An, mga Assistant Secrteary Kenneth Ronquillo at Maylene Beltran, Director IV Laureano Cruz at Admin Officer Esperanza Carating. Mga opisyal na nakatalaga para sa human resource development, administration at financing.
Bukod sa suspensyon, wala ring sahod na matatanggap ang mga opisyal habang iniimbestigahan ang reklamong gross neglect of duty at insufficiency and incompetence in the performance of official duties.
Ito ang unang aksyon na ginawa ng anti-graft body mula nang aminin nitong iniimbestigahan nila ang pamumuno ng Health department sa pandemic response noong Hunyo.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, inatasan ni Pangulong Duterte ang DOH na bigyan ng P1-milyong pisong kompensasyon ang pamilya ng mga healthcare workers na babawian ng buhay dahil sa COVID-19.
Para naman sa mga tatamaan ng coronavirus, na umabot sa severe at kritikal ang kondisyon ay P100,000.
Batay sa pinakabagong datos ng DOH, halos 11,000 na ang bilang ng healthcare worker sa bansa na tinamaan ng COVID-19. Mula sa kanila, higit 10,500 na ang gumaling at higit 300 pa ang nagpapagaling. Pero may 70 nang namatay.
Una nang sinabi ng ahensya na tuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi nila sa mga benepisyo ng healthcare workers, dahil sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One (Bayanihan 2), pati mga medical frontliners na mild to moderate lang ang COVID-19 infection ay makakatanggap na rin ng P15,000 bayad.
Sakop din ng batas ang paglalaan ng DOH ng hazard pay, special risk allowance, budget para sa pagkain, transportasyon at tirahan ng healthcare workers na nagse-serbisyo para sa COVID-19 response.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, suportado ng buong kagawaran ang mga opisyal na dekada na rin ang tinagal sa pagbibigay serbisyo. Nakakalungkot lang daw na sa gitna ng health crisis ay kailangang malagasan ang kanilang pwersa.
“Lungkot na lungkot kami na at this time pandemic nagkakaroon tayo ng ganitong sitwasyon.”
“Ang aming hiling lang sana ay mapabilis ang pagre-resolba ng kaso. Magkaroon ng resolution para matapos na and kung sakaling mapatunayan na wala talagang issues o kasalanan, then our officials can go back to work.”
Handa naman daw ang DOH sa kahit anong imbestigasyon para malinis ang pangalan ng kagawaran.
Ilan pa sa iniimbestigahan ng Ombudsman ay ang delayed na pagbili ng Health department sa mga PPE, mga iregularidad na naging sanhi ng pagkamatay ng ilang healthcare workers at ang nakakalito umanong reporting ng ahensya sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa.