KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang limang mga suspek na naaresto sa isinagawang operasyon sa sinasabing drug den sa Barangay Kabuntalan, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Ayon kay Juvenal Azurin, PDEA-BARMM director, isa sa suspek ay kinilalang si Lanie Datumanong Ali, asawa ng wanted drug dealer na si Banoh Ali na syang target umano ng operasyon.

Naaktuhan pa mismo na nagpapa-pot session ang mga suspek nang dumating ang PDEA at PNP ngunit nagawa pang makatakas ng target.

Kaugnay nito, narekober naman ang P170,000 na halaga ng shabu at dalawang granada.

Sa ngayon, sasampahan na ng kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek samantalang nagpapatuloy din ang manhunt operation sa nakatakas na suspek.