Todo ngayon ang pakikipag-ugnayan ng Bureau of Quarantine sa airlines at airport authorities para mapalakas ang border surveillance kaugnay ng novel corona virus.
Kasabay nito, pinaigting naman ang community surveillane ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DoH)
Pinalakas din ng DoH ang kanilang coronavirus laboratory testing capacity, hospital preparedness, rapid response at risk communication and information dissemination.
Tiniyak din ng DoH na mayroon nang Personal Protective Equipment sa Bureau of Quarantine, Centers for Health Development, at DoH hospitals.
Sa ngayon, mahigpit din ang monitoring ng DoH sa mga indibidwal na nakitaan ng sintomas ng respiratory infection lalo na ang may history ng biyahe sa China.
Nakikipag-ugnayan na rin sa ngayon ng DoH sa World Health Organization (WHO) at China Center for Disease Control para sa mga updates.
Hinimok din ni Health Sec. Francisco Duque III ang health workers na humaharap sa mga pasyenteng may respiratory infection lalo na sa mga nagmula ng China, na maging vigilant at maging maingat
Muli ring nagpa-alala ang DoH sa publiko na ugaliin ang paghuhugas ng kamay, iwasan ang paglapit sa farm at wild animals,magtakip ng bibig kapag uubo o babahing at umiwas sa mga tao na may flu-like symptoms
Pinapayuhan din ang mga travellers na nakakaranas ng sintomas ng respiratory illness na agad na magpatingin sa doktor.
Una rito, kinumpirma ni Duque na may isang person under investigation na silang mino-monitor na posibleng mayroong 2019 novel corona virus.
Ito ay ang isang limang taong gulang na bata na bumiyahe mula sa Wuhan, China at na-admit sa Cebu City matapos makitaan ng lagnat, throat irritation at ubo bago pumasok sa bansa.
Nagtungo raw sa Cebu ang bata para mag-aral ng English.
Dumating ito noong Enero 12 dakong alas-3:00 ng hapon at agad na-confine sa ospital pagsapit ng alas-6:00 ng gabi.
Agad namang sinuri ng Research Institute for Tropical Medicice (RITM) ang sample mula sa pasyente pero negatibonito sa MersCov o Sars.
Pero nagpositibo ito sa non specific pancorona virus kaya pinadala na rin sa laboratoryo sa Australia ang sample ng pasyente para matukoy ang coronavirus strain nito.
May minomonitor din umano ang DoH na tatlong indibidwal na nakitaan ng flu like symptom ng dumating sa bansa sa Kalibo International Airport mula sa China.
Pero wala itong history ng byahe sa Wuhan.