-- Advertisements --

Pina-deport ang nasa 43 Chinese at 1 Vietnamese national na sangkot sa mga iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa lungsod ng Pasay.

Ito na ang ikalimang batch ng mga banyagang pina-deport kasunod ng pagkakadakip sa kanila ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Department of Justice (DOJ), at Philippine National Police (PNP) noong Oktubre 2023.

Ang unang batch na pina-deport ay ang 180 Chinese, sinundan ng 21 Vietnamese, 5 Malaysians at 3 pang Vietnamese.

Ang mga pinapadeport na banyaga ay walang existing na kaso habang ang mga mayroong kinakaharap naman na kaso ay kailangan munang tapusin ang pagdinig sa kanilang kaso.

Ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, ilan sa mga pina-deport ay may paglabag sa immigration laws habang ang iba naman ay walang pasaporte.

Umaabot naman sa P35 million ang ginastos umano ng pamahalaan para sa pagkustodiya at sa flight cost ng mga deportee.