CENTRAL MINDANAO-Patay ang apat na myembro ng Dawlah Islamiyah (DI) ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa engkwentro ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay Lieutenant Colonel John Paul Baldomar ang tagapagsalita ng 6th Infantry (Kampilan) at 6th CMO Commander,na tumanggap ng impormasyon ang Joint Task Force Central sa presensya ng mga terorista sa bulubunduking bahagi ng Barangay Saniag Ampatuan Maguindanao.
Agad binomba ng militar ang posisyon ng mga rebelde gamit ang 105 mm Howitzers Cannon at sinundan ng air assault ng dalawang MG-520 attack helicopters ng Philippine Air Force.
Pinasok rin ng mga tauhan ng Ist Scout Ranger Battalion at 40th IB ang kuta ng BIFF.
Apat sa mga terorista ang nasawi at nakubkob rin ang tatlong kampo nito.
Narekober ng mga sundalo sa kuta ng BIFF ang anim na Improvised Explosive Device (IED) at ilang personal na kagamitan.
Sa ngayon ay patuloy na nagsagawa ng combat clearing operation ang Joint Task Force Central laban sa BIFF sa bayan ng Ampatuan Maguindanao.