GENERAL SANTOS CITY – Apat ang idineklarang patay sa magkahiwalay na police operation na isinagawa nitong Miyerkules ng gabi at kaninang madaling araw sa South Cotabato.
Kinilala ni PLt. Col. Alex Joe Orcajada, hepe ng Polomolok Municipal Police Station ang mga namatay na sina Jomar Pepito, 38; at Rodel Acido, 37, kapwa residente ng Londres subdivision, Cannary, Polomolok, South Cotabato.
Nakipagtransaksyon umano ang mga suspek sa Purok Pagla-um Upper Klinan pasado alas-7:00 kagabi at nagkabigayan na umano ng droga nang biglang nagpaputok ang isa sa suspek at nagkaroon ng gun running battle.
Dead on the spot si Pepito habang duguan naman si Acido na dinala pa sa pagamutan subalit idineklarang patay ng attending physician na si Dr Rhea Du.
Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang .38-caliber revolver; tatlong pakete ng droga; at P1,000 mark money.
Samantala, pasado ala-1:00 ng madaling umaga ginawa ang follow-up operation sa Purok 2 Sto Niño, Glamang, Polomolok kung saan target ang mga suspek na sina Mamerto Aranto Jr, residente ng Poblacion, Polomolok; at Judy Gula, residente naman ng Lanton, Apopong, GenSan at muling nagkaputukan.
Patay ang dalawa at nakuha sa posisyon ang large sachet ng suspected shabu na may market value na P60,000 at .38-caliber revolver.
Ang apat ay konektado sa dating pulis na namatay din sa drug operation nitong nakalipas na buwan sa nasabi ring lugar.