BUTUAN CITY – Pinangalanan na ng New People’s Army (NPA) ang kanilang apat na kasamahang napatay sa sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan noong Linggo ng hapon sa Brgy. Cancavan, Carmen, Surigao del Sur.

Ayon kay Ka Sandra na nagpakilalang tagapagsalita ng NPA, naunahan umano ang kanilang mga kasamahan sa nangyaring bakbakan habang nagsasaing ang mga ito para sa kanilang pananghalian.

Kinilala ni Ka Sandra ang mga casualty na sina Gealan Jimenez na taga Prk. 3 Brgy. Adlay, bayan ng Carrascal; Kaye Ballente, tubong Sitio Agsam, bayan ng Cantilan; Elmer Damian, residente ng Brgy. Umalag, bayan ng San Miguel; at Raul Alacre, taga-San Luis, Agusan del Sur.

Kasama sa inamin nito ang narekober na apat na mga baril, na kinabibilangan ng tatlong AK47 at isang M16.

Nilinaw naman ni Sandra na walang mataas na posisyon na hinawakan ang mga napatay na rebelde at naipabatid na ang nangyari sa kanilang mga pamilya.