BUTUAN CITY – Matagumpay na narekober ng mga tauhan ng Bislig City Central Fire Station sa lalawigan ng Surigao del Sur ang apat na bangkay na na-trap sa isang cave system sa Sitio Sikahoy, Barangay San Jose ng naturang lungsod.
Ito’y matapos isagawa ang isang search and retrieval operation katuwang ang mga kasapi ng City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO-Bislig sa pangunguna ni Acting City Fire Marshal FSrInsp John Rey Mejores, na nagsilbing incident commander.
Sinimulan ang operasyon pasado alas-7:12 ng gabi at natapos bandang alas-10:30 ng gabi nitong Lunes kung saan maingat na pinasok ng grupo ang tunnel na labis na maputik, hindi matatag ang lupa, at masikip ang daraanan.
Delikado umano ang lugar kaya’t nagdala ang grupo ng self-contained breathing apparatus (SCBAs) upang masigurong ligtas ang paghinga at mapanatili ang kanilang kakayahang gawin ang operasyon sa loob ng limitadong oras.
Nasa CDRRMO-Bislig na ang mga labi ng mga biktima para sa nararapat na disposisyon.