BUTUAN CITY – Patuloy pa rin ang mga protesta sa mga imigrante sa Los Angeles, California laban sa ginawang raids ng mga awtoridad, na nagsimula nitong nakaraang Sabado — oras ng Pilipinas at Biyernes naman, oras ng nasabing estado, na sinundanng mga protesta kinabukasan.
Ayon kay Bombo international correspondent to Los Angeles Ferdinand Nakila, nagpadala na si US President Donald Trump ng mga National Guard upang makatulong, sapagkat nagkagulo na ang isang mapayapang protesta matapos samantalahin ito ng mga masasamang elemento at mga walang tirahan, na nanunog na ng mga sasakyan at nanloob pa sa mga tindahan upang magnakaw.
Kahapon, idineklara na ng isang hukom sa San Francisco na labag sa Konstitusyon ang ginawang raid ng pangulo, pero ito ay hindi nakapigil upang ipatupad ni Trump ang pagpapadala pa rin ng mga pwersang panseguridad.
Ayon pa kay Nakila, nakita niya ang dalawang Pilipinong nakilahok sa protesta habang dala ang ating watawat.
Inamin ni Nakila na may mga Pilipinong imigrante ang nag-aalala dulot ng mga hakbang ni Trump na dakpin at ipa-deport ang mga iligal na imigrante.
Ayon pa rito, marami siyang kakilalang Pilipinong illegal migrants ang naninirahan at nagtatrabaho na sa nasabing lugar, na nagbabayad pa ng buwis at walang ginawang anumang kasamaan.