Nilinaw ng Quezon City government na pormal nang tinerminate o tinapos noon pang Setyembre 19, ang apat na proyekto na may kaugnayan sa mga construction firm ng mga Discaya, na sangkot sa isyu ng flood control project scandal.
Ayon sa pamahalaang lungsod, mula sa 1,300 infrastructure projects simula 2019, apat lamang ang napunta sa mga kumpanyang konektado sa Discaya.
Una rito, agad nagsagawa ng review ang QC government matapos bawiin ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensya ng mga kompaniyang konektado sa Discaya at kanselahin ng PS-DBM ang kanilang membership sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) dahil sa paglabag sa licensing at procurement laws.
Natukoy na apektado ang apat na proyekto, kabilang ang multi-purpose building, drainage project sa Ermitaño Creek, at Balingasa High-Rise Housing Phases 1A at 2.
Giit ng lokal na pamahalaan, wala itong itinatago at patuloy na isinusulong ang transparency at tamang bidding process. Kinokondena rin ng lokal na pamahalaan ang mga maling paratang at tiniyak na mananatiling tapat sa paggamit ng pampublikong pondo para sa mga QCitizens.