-- Advertisements --

GAZA – Patuloy na tumitindi ang operasyon at presensya ng Israeli forces sa Gaza na lalong nagpapahina sa sistemang pangkalusugan, kasabay ng malawakang sapilitang paglikas ng mga tao at matinding kakulangan sa pagkain, tubig, gamot, gasolina, at tirahan.

Apat na pangunahing ospital sa Gaza ang tumigil sa operasyon nitong nakaraang linggo dahil sa lapit nila sa mga lugar ng labanan, habang may naitalang 28 pag-atake sa mga health facilities sa panahong ito.

Labing-siyam (19) na ospital na lamang sa Gaza Strip ang nananatiling bukas, ngunit hirap na hirap dahil sa kakulangan sa supply, kawalan ng sapat na manggagawa, at patuloy na banta sa seguridad, habang 94% ng mga ospital sa lugar ay nasira o nawasak.

Ang mga bagong utos ng paglikas ay maaaring magdulot ng tuluyang pagkawala ng higit pang pasilidad pangkalusugan, lalo na sa hilaga at timog Gaza, kung saan maraming ospital at sentro ng pangangalaga ang nasa loob o malapit sa mga apektadong lugar.

Patuloy kasing hinaharang ng mga labanan at presensyang militar ang pag-access ng mga pasyente sa pangangalagang medikal, pati na rin ang kakayahan ng WHO at iba pang organisasyon na muling magbigay ng suplay sa mga ospital.

Kaya naman, nananawagan ang WHO para sa proteksyon sa pangangalagang pangkalusugan at agarang pagpapa-iral ng tigil-putukan.