4 GRADUATES SA CEBU-BASED UNIVERSITIES, PASOK SA TOP 10 NG AUGUST 2025 REELE; CEBUANA TOPNOTCHER, IBINAHAGI ANG KWENTO NG BUHAY SA STAR FM
Matagumpay na nakapasok sa Top 10 ng 2025 Registered Electrical Engineering Licensure Examination ang apat na graduates mula sa dalawang unibersidad sa Cebu.
Nanguna si Jolly Babe Siago bilang topnotcher matapos makakuha ng 93.45% rating. Rank 4 naman si Andrew Adlawon na may 91.85% rating, habang nasa Rank 5 si Gil Francis Maglinte may 91.70% kung saan pawang nagtapos ang tatlo sa Cebu Institute of Technology – University (CIT-U).
Pumwesto naman sa Rank 8 si Stephen Deloso na nagtapos sa University of Cebu (UC) matapos nakakuha ng 90.70%.
Sa naging pagtatanong nang Star FM Cebu kay Siago na tubong Cebu City, ibinahagi nito ang kanyang inspirasyon, mga pagsubok, at ang sakripisyong ginawa upang makamit ang tagumpay.
Aniya, maliban sa puyat at pagod nito ay alam din umano niya ang kaniyang layunin, at yun ay ang higitan pa ang kanyang kakayahan bilang isang Electrical Engineer.
Binigyang diin pa ng dalaga na hindi lamang sa mga learning materials ito nakapokus kung hindi sa pagbibigay oras upang makapag-research sa mga posibleng formula na magagamit nito sa kaniyang pagsusulit.
Nabatid na si Siago ay kinilalang Queen of Engineers ng unibersidad noong nakaraang taong, isang taunang tradisyon na nagpaparangal sa pinakamatalino sa mga mag-aaral na engineering.
Bukod dito ay kilala din ang dalaga sa kanyang katalinuhan, liderato, at dedikasyon, kaya’t ang kanyang tagumpay ay nagsisilbing inspirasyon sa mga estudyante ng CIT-U at sa mga kabataang inhinyero sa buong bansa.
Samantala, kasunod ng nakamit, plano ngayon ng 24 anyos na babawi naman sa kaniyang sarili tulad ng pagkakaroon ng maayos na pahinga dahil tila napabayaan na umano niya ito sa panahon ng pagre-review hanggang sa matapos ang exam.