Sumalang na sa inquest proceedings ang apat na Chinese nationals na sangkot sa operasyon ng makeshift hospital sa Parañaque City na ekskusibo umano para sa mga Chinese nationals.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Officer-In-Charge Eric B. Distor, ang mga suspek na na-inquest na sa Office of the City Prosecutor ng Parañaque City ay sina Liang Junshuai, Pingqiang Long, Yanyun Jiang at Tang Hong Shan.
Humaharapa ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. No. 2382 (The Medical Act of 1959), R.A. No. 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009), R.A. No. 7394 (The Consumer Act of the Philippines) at R.A. No. 4226 (Hospital Licensure Act).
Ayon kay Distor nakatanggap umano ng impormasyon ang NBI-Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) mula sa mga Chinese nationals na ilang sa mga Chinese sa lugar na pinangungunahan ng subject na si Liang ay sangkot sa illegal activities.
Ito ay ang pagbuo ng grupo ni Liang ng makeshift hospital para sa mga Chinese workers sa loob ng exclusive village sa Parañaque City na walang License to Operate o Certificate of Accreditation mula sa Bureau of Medical Services of the Department of Health (DoH).
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, lumalabas na sangkot din ang grupo sa illegal practice ng medicine sa pamamagitan ng pagsusuri, paggamot, pag-operate o pag-prescribe ng mga gamot para sa ano mang human disease, injury, deformity o ano mang sakit.
Tumatanggap daw ng bayad ang naturang makeshift hospital na walang paalam sa Board of Medical Examiners.
Nagbebenta pa ang grupo ng mga Chinese drugs na hindi aprubado at rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA).
Nang makakuha ng sapat na ebidensiya ay agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga ahente ng NBI-TFAID.
Tumambad sa makeshift hospital ang maraming volume ng assorted medicines sa may Chinese characters maging ang ilang klase ng hospital equipment at paraphernalia.
Ang garahe daw ng lugar ay ginagamit din para sa diagnosis, treatment at lugar para sa mga indibidwal na sakit.
Bigo naman ang mga suspek na magprisinta ng License to Operate bilang private hospital mula sa Bureau of Medical Services o ano mang otorisasyon mula sa Board of Medical Examiners.