BAGUIO CITY – Ipinag-utos ni Mayor Benjamin Magalong ang pagsasagawa ng lockdown sa apat na barangay sa Baguio City pagkatapos magpositibo sa coronavirus disease ang isang residente ng Upper Dagsian nitong Biyernes.
Ayon sa alkalde, isasailalim sa lockdown ang Upper Dagsian, Lower Dagsian, Hillside at Scout Barrio at tanging ang mga mahahalagang travel lamang ang papahintulutan.
Ipinag-utos din ng opisyal ang pagsasailalim sa quarantine ng mga opisyal ng mga barangay ng Upper Dagsian.
Nagpositibo sa COVID-19 ang isang babaeng 46-anyos, streetsweeper sa Scout Barrio at residente ng Upper Dagsian.
Ito na ang pang-15 na positibong kaso ng COVID-19 sa Baguio City.
Dahil dito, isinasagawa na ang agresibong contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasiyente na kinabibilangan ng ilang pulis na ayon kay Baguio City Police Director Allen Co ay isinasailalim na sa isolation.
Ipinag-utos din ni Mayor Magalong ang pagsasagawa ng disinfection sa bahay ng pasiyente at sa police station at iba pang lugar na pinuntahan ng pasyente.
Batay sa report, unang nakaramdam ng sintomas ang pasiyente noong Abril 3 at nagpa check-up ito noong April 7.
Sa ngayon ay aabot na sa 15 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 dito sa Baguio City kung saan, siyam sa mga ito ang gumaling na, isa ang nasawi habang ang iba ay nagpapagaling pa.