Patay ang apat na hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) habang isa ang naaresto sa isinagawang operasyon ng PNP Special Action Force sa Barangay Balobo, Lamitan City, Basilan kahapon.
Sa report ni Special Action Force (SAF) Director MGen. Felipe Natividad kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar, kinilala ang mga nasawing terrorista na sina Baradi at Remie Ganie, Mando Morales at isang Jack Akalul; habang naaresto naman si Dawam Morales.
Magsisilbi sana ng arrest warrant ang mga pulis laban sa mga nasawing suspek para sa kasong murder, kidnapping at carnapping nang makipagbarilan ang mga ito sa mga awtoridad.
Ang mga nasabing Abu Sayyaf fighters ay pinaniniwalaang nasa ilalim ng pamumuno ni ASG sub-leader Radzmil Jannatul na pagsisilbihan sana ng arrest warrant.
Nakuha sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang KG9 Cal. 9mm submachine pistol; isang Cal. 45 pistol; a shotgun; isang Cal. 30 at mga basyo ng bala mula sa iba’t ibang kalibre ng baril.
Pinapurihan naman ni PGen Eleazar ang mga pulis na kasama sa operasyon subalit pinaalalahanan sila na manatiling nakaalerto sa posibilidad na paghiihiganti ng mga lokal na terrorista.