Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez buo ang suporta ang ibinibigay ng House of Representatives sa kampanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa pananagutan, sa gitna ng mga alegasyon ng iregularidad sa mga proyektong pang-imprastruktura.
Ayon sa lider ng Kamara, ang paalala ng Pangulo ay dapat magsilbing prinsipyo sa lahat ng sangay ng pamahalaan na naglalayong ibalik ang tiwala ng publiko.
Giit ni Romualdez, buong-buo ang suporta niya sa pahayag ni Pangulong Marcos Jr walang sinuman ang exempted sa pananagutan.
Aniya, matagal na itong isinusulong ng Kamara sa kanilang pagsisikap na mapanatili ang transparency at maibalik ang tiwala ng publiko.
Binigyang-diin ng Speaker na ang mga imbestigasyon ay dapat nakabase sa ebidensya, at hindi sa haka-haka o tsismis.
Muling iginiit ni Speaker Romualdez na hindi magiging kanlungan ng katiwalian ang Kamara, kahit pa miyembro nito ang sangkot.
Aniya ang pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure ay isang mahalagang hakbang upang linisin ang sistema, at nangakong makikipagtulungan nang buo ang Kamara.
Kasabay nito, binanggit ni Speaker Romualdez na sinimulan na ng mga komite ng Kamara ang pagsusuri sa mga patakaran sa procurement at pagsubaybay sa implementasyon ng mga proyekto upang maiwasan ang mga butas at mapalakas ang oversight.