Sinimulan na ng Department of Agriculture (DA) ang pagsisiyasat sa 32 lugar sa Pilipinas, kasunod ng natanggap na ulat na gumagamit ang mga trader ng mababang presyo sa kanilang pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.
Una nang ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang naturang imbestigasyon sa pagnanais na matukoy ang katotohanan sa likod nito at panagutin ang posibleng may-sala.
Batay sa ulat na natanggap, umaabot lamang mula P13 hanggang P15 ang ginagamit ng mga trader na presyuhan sa kada kilo ng palay.
Bahagi ng imbestigasyon ay ang pagtukoy sa mga traders sa mga naturang lugar upang pagpaliwanagin sila sa napakababang presyo.
Dahil sa naturang sumbong, inaaral na rin ng DA kung anong batas, regulasyon, o mga administrative order ang maaaring gawin para mapanagot ang mga trader na nananamantala sa mga lokal na magsasaka.
Kung mapatunayan ding totoo ang mga natanggap na sumbong, posible rin aniyang magpalabas ang pamahalaan ng polisiya para makapagtakda ng floor price sa palay bilang proteksyon sa mga magsasakang nagbebenta ng kanilang aning palay.
Mahalaga aniya na mapanatili pa rin ang ‘planting intention’ sa mga magsasaka o ang pagnanais na makapagtanim pa rin sa mga susunod na planting season.