-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa mahigit 300 pamilya ang apektado ng pagguho ng lupa at malalaking tension cracks sa anim na sitio sa Barangay Lamcade, Lake Sebu, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni Barangay Kapitan Joseph Cone sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Cone, naitala ang landslide sa Sitio Tbob, Lower Lamlumo at Upper Lamlumo sa Barangay Lamcade, Lake Sebu, South Cotabato, dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.

Maliban sa landslide, natatakot ang mga residente sa patuloy na pagdami ng tinatawag na tension cracks kaya lumikas ang mga ito sa Tekansad area at naglagay ng mga trapal upang pansamantalang matuluyan.

Samantala, daan-dang indibidwal naman ang stranded sa tatlo pang mga sitio dahil sa landslide.

Dahil sa pahirapan ang daan ay hindi makalabas upang bumili ng pagkain ang mga residente gayundin ang pagbaba ng kanilang mga produkto.

Sa ngayon ay humihingi ng tulong partikular ng pagkain ang mga residente sa nabanggit na barangay.