-- Advertisements --

Hindi bababa sa 30 Palestino ang nasawi sa panibagong serye ng Israeli airstrikes sa Gaza nitong Linggo, ayon sa local health authorities.

Kabilang sa mga nasawi ang isang mamamahayag at isang mataas na opisyal ng rescue services.

Pinuntirya ng mga pag-atake ang mga lugar sa Khan Younis, Jabalia, at Nuseirat. Sa Jabalia, napatay si Hassan Majdi Abu Warda, isang lokal na mamamahayag, kasama ang ilan sa kanyang pamilya matapos tamaan ang kanilang bahay.

Ayon sa Hamas-run media office, umabot na sa 220 Palestinian journalists ang napatay sa Gaza mula pa noong Oktubre 2023.

Habang sa Nuseirat, napatay naman si Ashraf Abu Nar, isang senior official ng civil emergency service, kasama ang kanyang asawa.

Samantala, kinumpirma ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na dalawa sa kanilang staff ang nasawi rin sa airstrike sa Khan Younis noong Sabado.

Nanawagan ang ICRC ng agarang ceasefire at muling iginiit ang pangangailangang protektahan ang mga sibilyan, humanitarian workers, at medical personnel.

Una nang sinabi ng Gaza media office na kontrolado na ng Israel ang 77% ng Gaza Strip, kabilang ang mga ground forces, at mga evacuation orders.