-- Advertisements --

Pumayag na ang grupong Hamas sa panukalang tigil-putukan na inihain ng US envoy na si Steve Witkoff.

Ayon sa kasunduan, papalayain ng Hamas ang 10 Israeli hostages kapalit ng 70-araw na ceasefire at bahagyang pag-urong ng tropang Israeli mula sa Gaza.

Kasama rin sa kasunduan ang pagpapalaya ng Israel sa ilang Palestinian prisoners. Wala namang opisyal na tugon ang Israel hinggil dito.

Matatandaang muling sinimulan ng Israel ang opensiba sa Gaza noong Marso 18, matapos wakasan ang isang kasunduan ng tigil-putukan noong Enero. Dalawang araw matapos nito, muling umatake ang Hamas at mga kaalyadong grupo.

Gayunman, nanindigan ang Hamas na handa silang palayain ang lahat ng bihag kapalit ng ganap na pag-atras ng Israel. Ngunit ayon kay Israeli Prime Minister Netanyahu, pansamantalang ceasefire lang ang maaaring pag-usapan.

Sa kasalukuyan umabot na sa 1,200 ang nasawi sa panig ng Israel mula sa pag-atake ng Hamas noong Oktubre 2023, habang higit 54,000 naman ang nasawi sa Gaza ayon sa mga lokal na awtoridad.