-- Advertisements --

Naghahanda na umano ang militar ng Estados Unidos para sa posibilidad ng tuluy-tuloy at ilang linggong operasyon laban sa Iran kung mag-uutos si U.S. President Donald Trump na atakihin ang bansa, ayon sa dalawang opisyal ng US na nakausap ng Reuters.

Ayon sa mga opisyal na tumangging magbanggit ng pangalan dahil sa sensitibong usapin, mas malawak at mas seryoso umano ang plano ng operasyon kumpara sa mga naunang military retaliation ng US.

Napag-alaman na nakatakdang makipagpulong ang kinatawan ng Amerika na sina Steve Witkoff at Jared Kushner sa mga kinatawan ng Iran sa Geneva sa Martes, kung saan magsisilbing tagapamagitan ang Oman para talakayin ang kasunduang pangkapayapaan.

Una nang sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na mas nais ni Trump ang isang kasunduan sa Tehran ngunit aminadong mahirap itong makamit.

Samantala, patuloy ang pagdami ng puwersang militar ng US sa rehiyon. Kinumpirma ng mga opisyal na magpapadala ang Pentagon ng karagdagang aircraft carrier sa Middle East, kasama ang libu-libong tropa, fighter aircraft, at guided-missile destroyers.

‘ALL OPTIONS ON THE TABLE’

Sa isang talumpati sa North Carolina, binanggit ni Trump ang posibilidad ng “regime change” sa Iran, bagama’t hindi niya tinukoy kung sino ang nais niyang pumalit sa pamumuno.

Ayon sa White House spokesperson na si Anna Kelly, “all options on the table with regard to Iran,” at si Trump aniya ang magpapasya nito batay sa interes ng Amerika.

Tumanggi namang magkomento ang Pentagon hinggil sa detalye ng nakatakdang operasyon.

MAS MALAWAK NA OPERASYON

Noong nakaraang taon, nagsagawa ang US ng limitadong pag-atake sa mga nuclear site ng Iran, kabilang ang tinaguriang “Midnight Hammer” na gumamit ng stealth bombers mula sa Estados Unidos.

Gumanti ang Iran sa pamamagitan ng limitadong strike sa isang base ng US sa Qatar.

Ngunit ayon sa mga opisyal, mas kumplikado ang planong gagawing operasyon sa ngayon. Posibleng targetin hindi lamang ang nuclear facilities ng Iran kundi pati mga pasilidad ng estado at seguridad ng bansa.

Babala ng mga eksperto, mas mataas ang panganib sa mga puwersa ng US sa ganitong senaryo dahil sa malawak na arsenal ng missile ng Iran. Posible rin umano na ang serye ng gantihan ay maaaring magpalawak sa tensyon ng gera sa buong rehiyon.

Hindi naman natinag ang Islamic Revolutionary Guard Corps ng Iran kung saan sinabi nito na maaari silang gumanti laban sa alinmang base militar ng US sakaling atakihin ang kanilang teritoryo.

May mga base militar ang US sa iba’t ibang bahagi ng Middle East kabilang ang Jordan, Kuwait, Saudi Arabia, Qatar, Bahrain, United Arab Emirates, at Turkey.

Sa gitna ng tumitinding tensyon, sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu matapos ang pakikipagpulong kay Trump na anumang kasunduan sa Iran ay dapat maglaman ng mga elementong papakinabangan ng Israel.

Ipinahayag naman ng Iran na handa itong talakayin ang limitasyon sa nuclear program kapalit ng pag-alis ng mga mga sunctions ng Amerika ngunit tumangging isama sa negosasyon ang usapin ng kanilang missile program.