-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Hawak na ng pulisya ang tatlo sa apat na suspek sa pag-ambush sa kilalang hospital medical director sa Balingoan, Misamis Oriental.

Kinilala ng Nazareth Police Station commander Capt. Allan Cairel ang mga salarin na sina Jomar Pacilan Adlao, 30-anyos; Marjun Abayon Cabug, 39; at Joel Arcilla Nacua, 37, na pawang residente ng Bukidnon.

Dagdag ni Cairel, malaking tulong ang video footages mula sa mga kuha nila sa closed circuit television sa bisinidad ng crime scene para matukoy nila ang sinakyang motorsiklo ng mga suspek kaya natunton ang mga ito.

Dito na ikinasa ang pursuit operation sa lugar na pinagtaguan nila sa bayan ng Balingoan.

Samantala, inihayag ni Nacua na mismong bumaril sa biktima na si Dr. Raul Winston Andutan na napag-utusan lamang umano sila ng prime suspect na isang Rene Tortusa kapalit ng P150,000.

Sinabi pa nito sa Bombo Radyo na si Tortusa rin ang mismong nag-abang kay Dr. Andutan sa labas ng bahay nito papunta sa Maria Reyna-Xavier University Hospital habang silang tatlong suspected hired killers ay sinundan na lang ang sasakyan.

Nang makatiyempo ay binaril na agad ang biktima hanggang sa bawian ng buhay.

Inamin ng mga suspek na walang personal na atraso ang biktima sa kanila subalit napag-utusan lang sila na paslangin ito dahil sa akusasyon na pambababae at kasong pagpatay.

Nabatid na nakatakas si Tortusa nang sabay na nilusob ng magkakaibang regular at special units ng Philippine National Police mula Cagayan de Oro City, Misamis Oriental at Police Regional Office 10, subalit tuloy-tuloy ang kanilang pagtugis nito upang matukoy kung sino ang utak ng krimen.

Narekober mula sa arestadong mga suspek ang kalibre 45 na ginamit sa pagpatay kay Andutan at dalawang granada sa hideout nila sa lalawigan.

Sa ngayon, wala pang komento ang pamilya ukol sa isyu ng pambababae at kasong pagpatay na umano’y kinakasangkutan ng biktimang doktor.

Una rito, nagtamo ng maraming tama ng bala ang nagmamanehong biktima kaya bumangga ang kanyang sinasakyan at patay na nang maisugod sa mismong ospital na pinagtatrabahuan niya.