Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde na mananagot ang mga sangkot na senior cadets ng PNP Academy (PNPA) na nag-utos umano sa dalawang plebo na magsagawa ng oral sex.

Ito umano ay parusa sa dalawang plebo dahil sa mga ginawang mga paglabag.

Sinabi ni Albayalde, kapag napatunayang nagkasala ang tatlong upperclassmen ay kaniyang sisiguraduhin na mapatalsik ang mga ito sa akademya.

Kasong administratibo naman ang isinampa laban sa tatlong senior cadets habang magsasampa rin ng hiwalay na criminal case ang dalawang plebo sa mga salarin.

Iniimbestigahan na rin ngayon ng Directorate for Investigation and Detective Management ang insidente na naganap noong Oktubre 6 sa loob mismo ng institusyon.

Batay sa ulat ni PNPA Director C/Supt. Joseph Adnol, iniutos ng tatlong senior cadets ang dalawang plebo na mag-oral sex ang mga ito.

Ayon kay Albayalde, hindi katanggap-tanggap ang ugali ng mga senior cadets lalo na sa pagbibigay ng parusa sa mga plebo.