CENTRAL MINDANAO – Personal na alitan ang nakikita ng mga otoridad na motibo sa pamamaril sa magkakamag-anak sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Ernesta Gatella, 70; Lorena Gatella, 43, at Joe Gatella, 70, habang sugatan naman sina Emmelita Gatella, Jose Gatella at Darryl Gatella, mga residente ng Purok Sampaguita, Barangay Poblacion, Matalam, North Cotabato.

Ayon kay Lt. Col. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO) na habang kumakain ang mga biktima sa loob ng kanilang tahanan ay bigla itong pinasok ng mga hindi kilalang suspek at pinagbabaril gamit ang M16 armalite rifle.

Mabilis umanong tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo.

Patay on the spot ang tatlo sa mga biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan habang naisugod naman ang mga sugatan sa Midway Hospital.

Narinig pa umano ng mga kapitbahay na bago pinagbabaril ng mga suspek ang mga biktima ay nagtatalo pa at may sumigaw ng tulong kasabay ng mga putok ng armas.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Matalam PNP sa pamamaril sa mga biktima.