Iniimbestigahan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang tatlong nahuli sa Sta. Cruz, Laguna na nagkukunwaring empleyado ng poll body. Ang mga nahuli ay gumagamit ng mga pekeng dokumento at kahit ang kanilang mga sasakyan ay may logo rin ng COMELEC. Kaugnay pa nito, ang tatlo rin na nahuli ay tila magkakaanak.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, ang kine-claim ng mga nahuli ay empleyado raw sila ng task force Kontra-Bigay at nag-iinspect sa isang paaralan sa Laguna ng mga Automated Counting Machines (ACMs) –paglilinaw niya na hindi na task force ang Kontra-Bigay ngayong eleksyon kung hindi isa ng kumite kaya hindi sila tunay na mga empleyado.
Ito ay ikinabahala ng komisyon dahil maaari itong magamit para makapangloko ng mga botante at kandidato.
“Nangangahulugan na mga impostor ang mga taong ito at hindi po sila tunay na empleyado ng COMELEC..” pagpapaliwanag ni COMELEC Chairman Garcia
Pagtitiyak ni COMELEC Chairman Garcia na ito ay kanilang sasampahan ng kaso sa piskalya. Ang tatlong sangkot ay posibleng maharap sa reklamong usurpation of authority at falsification of public documents.
Nilinaw niya rin sa publiko na kung magpapadala man ng mga tauhan ang COMELEC Main Office, ito ay coordinated sa local COMELEC. Sa kaso nila, hindi ito alam ng mismong local COMELEC office.