-- Advertisements --
kabalikat maguindanao

CENTRAL MINDANAO – Tatlong mga miyembro ng local communication group binaril-patay dakong alas-9:20 ng Huwebes ng gabi sa probinsya ng Maguindanao.

Nakilala ang mga biktima na sina Lucman Rasul, Teng Lawan at Ilo Lawan, mga miyembro ng Kabalikat Radio Communication sa ilalim ng tanggapan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO-Buluan) at pawang mga residente ng Barangay Poblacion, Buluan, Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao police provincial director Col. Donald Madamba na nakaupo lamang ang mga biktima sa gilid ng national highway na hindi kalayuan sa COVID-19 checkpoint sa bayan ng Buluan nang biglang huminto ang isang kulay puti na kotse at pinagbabaril sila gamit ang M16 armalite rifle at kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng Tacurong City.

Naisugod pa ang mga biktima sa pagamutan ngunit ang mga ito ay dineklarang dead on arrival ng mga doktor makaraang magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Kinondena naman ni Maguindanao 2nd District Rep. Esmael ”Toto” Mangudadatu ang pagpaslang sa mga biktima.

Nagpaabot din naman ito nang pakiisa ito sa mga pamilya ng tatlong frontliners na makamit ang hustisya sa kanilang sinapit.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Buluan PNP sa Buluan, Maguindanao sa naturang pangyayari.