Iniulat ng Office of the Civil Defense (OCD) ngayong Sabado na mayroong tatlong katao ang napaulat na nawawala sa pananalasa ng bagyong Crising at habagat sa bansa.
Ayon kay OCD Administrator Rafaelito Alejandro IV na ang dalawang indibidwal na napaulat na nawawala ay mula sa Antique na naanod umano ng tubig-baha patungong dagat habang sila’y himbing na natutulog sa kanilang bahay nang manalasa ang baha bunsod ng mabibigat na pag-ulan.
Ang isang nawawala naman ay mula sa Palawan matapos magtungo sa dagat sa kabila ng masamang lagay ng panahon.
Sa ngayon, patuloy ang pagberipika ng ahensiya sa mga napaulat na nawawalang indibidwal.
Samantala, batay sa monitoring ng ahensiya, pumalo na sa 215,000 katao mula sa 495 barangay ang naapektuhan ng masamang lagay ng panahon. Karamihan sa mga ito ay sa Negros Island Region at sa Panay.