Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na may naitalang tatlong insidente ng paglubog ng motorbancas dahil sa storm surge o daluyong sa kasagsagan ng pananalasa ng Super Typhoon Uwan, na humina na bilang “Typhoon” nitong Lunes, Nobiyembre 10.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay PCG spokesperson Captain Noemie Cayabyab, naitala ang mga insidente sa may
Tabaco City, Albay at San Vicente Palawan sa Luzon gayundin sa Davao del Sur sa Mindanao.
Saad ng PCG official, sa kabila ng masungit na panahon at inilabas na mga abiso ng ahensiya, may mga nagpumilit pa ring pumalaot.
Sa kabila nito, nagawang mailigtas ng PCG personnel ang nasa 11 indibidwal.
Kaugnay pa nito, nananawagan ang PCG official sa publiko na kung maaari ay huwag makipagsapalarang maglayag dahil nananatiling nakataas pa rin ang gale warning mula sa state weather bureau at banta ng malalaking alon sa dagat.
Ipinaliwanag din ni Capt. Cayabyab ang mga dapat na ikonsidera sa pagbabalik ng mga biyahe sa dagat.
















